Sa pagtatapos ng Buwan ng Panitikan 2021 ang CTU Main ay gumawa ng mga makasaysayang patimpalak ukol sa tema: Mga Danas sa Kamay ng Covid-19, sa Bakuna Kaginhawaan ang Hatid. Nangyari ang patimpalak noong ika-29 ng Abril, 2021 na may 79 na partisipanti sa platapormang Facebook live at Zoom at 6.5 na libong views sa kasalukuyan.
Nilalayon ng mga patimpalak na mahubog at malinang ang kasanayan ng mga estudyante sa paggamit ng Wikang Filipino at maipakita ang angking galing at talento sa pamamagitan ng pagsulat ng tula at spoken word poetry. Ang Spoken Word Poetry ay isang uri ng akdang patula na patugma man o malayang taludturan upang bigyang- diin ang isang imahe, konsepto at kalidad ng liriko.
Sinimulan ang panapos na gawain at seremonya sa pamamagitan ng Bating Pambungad ni Dr. Marcelina Deiparine, tagapangulo ng department of languages, literature & communication ng CTU-Argao, at pagpapahayag ng layunin mula kay Dr. Mayette Elloran, tagapangulo ng department of languages ang literature ng CTU Tuburan. Nagbigay rin ng mensahe ang pangalawang pangulo ng academic affairs na si Dr. Edwin A. Pilapil. Ang mensahe ng Pangulo ng Cebu Technological University, na si Dr. Rosein A. Ancheta Jr. ay inilahad ni Dr. Christian Ray Licen.
Sa pamamagitan ng mga timpalak, ang mag-aaral ay inaasahang maihayag ang kanilang mga karanasan at paraan ng pakikipaglaban sa kinakaharap na pandemya sa pamamagitan ng tula at mailarawan ang paksa kaugnay sa pampublikong kamalayan at kahalagahan ng pagbabakuna laban sa Covid-19 pandemya.
Ang kaganapang ito ay pinagbibidahan nang mga estudyante at guro mula sa Cebu Technological University, Cebu Normal University at nang University of San Carlos, na hangad ang pakikiisa ng mga Sentro ng Wika at Kultura sa Rehiyon VII.
Ang mga hurado sa patimpalak ng Pagsulat ng Tula ay binubuo nina Dr. Sinfronia R. Berdin, public school’s supervisor ng DepEd Division ng Lapu- Lapu City; Prof. Jessrel E. Gilbuena, makata, manunulat at propesor ng Cebu Normal University; at Dr. Bea Y. Martinez, direktor ng Sentro ng Wika at Kultura ng University of San Carlos. Ang patimpalak naman ng Spoken Word Poetry ay kinabibilangan nina Dr. Lita Bacalla, direktor ng Sentro ng Wika at Kultura ng Cebu Normal University; Dr. Lanny Merryl Gallarde, dekana ng CAS sa CTU Tuburan; at Ginoong John Paul Arias, isang poet- rapper.
Ayon kay Dr. Hope S. Yu, Direktor ng Cebuano Studies Center sa USC, sa kanyang mensahe bilang Panauhing Pandangal, “Ang tula sa Cebuano ay pumapasok sa isang masiglang siglo o yugto ng ating panahon kahit may pandemya tayo. Ang ating makata sa kasalukuyan ay hindi na kontento sa simpling pagkakatha o pagsusulat ng isang tula. Kinikilala nila ang hamon ng spoken word at kumukuha sila nang inspirasyon at kakayahan mula sa tradisyon, local na tradisyon, upang mahubog ang kani-kanilang sarili, at katangi- tanging sining. Sila ay nagiging makatang nagsasalita mula sa tiyak na lugar, hindi lamang ng espasyo ngunit sa karanasan din.”
Mula sa iba’t- ibang manlalahok nagwagi ang pinakamahusay na manunula na si Bb. Tisha Ann Calvo na nakakuha nang kabuuang skor na 88.67%. Pumapangalawa naman si Jear Ann-Ver Egona na may skor na 87.67% at ang sa pangatlong pwesto si Ines A. Brigolo na may skor na 87.33%. Habang sa timpalak naman ng spoken word poetry, nagwagi si Clent Angelo Culango na may skor na 86.00%. Nakuha naman ang pangalawang gantimpala ni Ritchelle Veraque na may skor na 85.67%, at ang pangatlo ay si Keanne Margarette Garcia na may skor na 76.33%.
Sa pagtatapos ng program, iginawad ni Dr. Ryan Jorre, GAD Director ng CTU Tuburan, ang sertipikong pagkilala sa mga hurado at sa panauhing pandangal. Tinapos ang makabuluhang Tertulyang Pampanitikan sa CTU sa pamamagitan ng panapos na mensahe na ibinigay ni Dr. Lynnette Matea S. Camello, dekana ng College of Arts and Sciences. April G. Belga/CTU Main