Matagumpay na naisagawa ng Sentro ng Wika at Kultura (SWK) ng Cebu Technological University–Main Campus ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2026 sa pamamagitan ng makabuluhang tema, “TERTULYANG PANGWIKA: Panag-ambit 2026, Wika ng Kamay, Kultura ng Puso, at Teknolohiyang Nag-uugnay.”
Panag-ambit sa Wika
Naitampok at naibahagi ni Dr. Teresita P. Semorlan, ang mahahalagang konsepto hinggil sa gramatika, partikular na ang wastong pagsusuri sa mga estruktura at gamit ng wika sa iba’t ibang konteksto ng komunikasyon.
Wika ng Kamay, Kultura ng Puso
Nabigyan ng malawak na talakayan ang hinggil sa kaalaman at kamalayan sa Filipino Sign Language (FSL), ni G. Patrick Brian Q. Ablaza, Tagapagtaguyod ng FSL mula sa Komisyon sa Wikang Filipino. Ipinarating na ang wika ay hindi lamang kasangkapan sa komunikasyon kundi isang mahalagang daluyan ng kultura, pagtanggap at pagkakaisa.
Teknolohiyang Nag-uugnay
Naging bahagi rin ng talakayan ni Dr. Salvador P. Bacio, Jr., ang epekto at potensiyal ng makabagong teknolohiya at artificial intelligence (AI) sa paggamit, pagtuturo, pananaliksik, at pagpapaunlad ng wikang Filipino.
Sa gitna ng mabilis na pagbabago sa teknolohiya, binigyang-diin na mahalagang gamitin ang mga bagong kasangkapan nang may pananagutan, kritikal na pag-iisip, etikal na pagpapahalaga, at pagsasaalang sa sariling wika ng mga Pilipino.
Ipinarating sa ganitong pananaw, ang teknolohiya ay hindi kapalit ng wika at tao, kundi isang kasangkapan upang higit na mapalawak ang paggamit, pagkatuto, at pagpapahalaga sa wika.
Isang Makabuluhang Panag-ambit
Ang Panag-ambit 2026 ay nagsilbing pagkakataon para sa mga guro sa pribadong paaralan, mula sa DepEd na mga guro na dumalo, mga mag-aaral, at iba pang mga kalahok na nakapakinig, na maging responsible sa pagbabahaginan ng kaalaman, karanasan, at pananaw para sa kalagayan at kinabukasan ng wika sa makabagong panahon.
Sa pamamagitan ng gawaing ito, muling pinagtibay ng Sentro ng Wika at Kultura ang tungkulin nitong maging tagapagtaguyod ng wika, kultura, panitikan, at inklusibong komunikasyon sa loob at labas ng pamantasan.
Magpapatuloy ang Mandato ng Sentro ng Wika at Kultura at pakikipagtulungan ng organisasyong #HUTAWIFIL at #KANAFIL
Via Dr. Fe A. Varona (Direktor, Sentro ng Wika at Kultura)







